Ang Teolohiya ng Itim na Kalabaw

Ang Teolohiya ng Itim na Kalabaw
Pangunahing isinusulong ng Itim na Kalabaw
ay ang Kalayaan at kakanyahan ng mga Pilipino na mamuhay
gamit ang mga kaloob ng Dios na Lupa, wika, kultura, likas yaman, prinsipyo at teolohiya kasama ang buong mamayan.
Kung hindi tayo makakapamuhay sa mga kaloob ng Dios sa ating lahi
ay mabibigo tayong
makapagbahagi sa pagsulong at pag-unlad ng sangkatauhan.”
_______________________________________
Ang Larawan ng Itim na Kalabaw1
Panimula
Nagigising ang aking diwang Pilipino sa tuwing maaalala ko ang wika ni Elias (karakter sa nobelang Noli Me Tangere) na nagsasabing “Mamamatay akong hindi man lamang namasdan ang maningning na pagsikat ng araw sa aking bayan …! Kayong mangaiiwan ang siyang sumalubong sa kanyang pagdatal… Huwag ninyong limutin ang mga nasawi sa dilim ng gabi.”2 [“I die without seeing the dawn rising over my native land. You who will see it, welcome it … and do not forget those who had fallen in the night.”].3 Sa paglinang ng teolohiya sa kontekstong Pilipino ay nais kong alalahanin ang maraming “Elias” sa kasaysayan ng Pilipinas na “nasawi sa dilim ng gabi.” Isinakripisyo nila ang kanilang buhay para sa kasarinlan ng ating bayan. Para sa akin, maipapakita lamang natin ang pagpapahalaga sa kanilang sakrispisyo kung pananatilihin natin ang kalayaang ito lalo na sa mga pagkakataong pinagtatangkaan itong agawin ng Emperyo (mananakop na bansa).
Ang Isyu ng Kontekstualisasyon
Ang usapin ng kontekstualisasyon ay nakaugat sa kung ano ang ating saloobin sa ibang kultura at kung paano nito nakikipag-ugnayan sa ating sariling kultura. Si Yap Kim Hao4 ay nagbigay ng ilang saloobin patungkol sa usaping ito at tumukoy siya ng apat na kategorya.
  1. Ethnocentrism-sees the validity of one’s own culture only.
  2. Accommodation-instead of the exclusive approach in ethnocentrism we are prepared to accommodate what seems to be the good elements in the other cultures.
  3. Adaptation-is that we make a complete adaptation of a different culture and abandon one’s own.
  4. Relative-each culture may be different from one another but each is meaningful and good for each group of people.
Ang bawat isa ay may maliwanag na pagkakilalan, ngunit taglay din nito ang iba’t-ibang kahinaan. Ang ‘ethnocentrism’ ay maaring humantong sa ‘imperialism’ at ‘triumphalism’ o ang pagsakop at pagpatay sa kultura ng iba upang hindi nito maimpluwensiyahan ang sariling kultura. Ang ‘accommodation’ ay higit na positibo kung ihahambing sa iba, ngunit naroon pa rin ang panganib na magbago ang sariling kultura. Ang ‘adaptation’ ay maituturing na kataksilan sa sa sariling kultura. Ang ‘relative’ naman ay mukhang tama ngunit nililimitahan nito ang pakikipag-ugnayan sa ibang kultura.
Natutukso akong pumili ng isa man sa apat na kategorya upang mula dito ay makapagsimula ako ng pagsasa-pilipino ng teolohiya. Ngunit ano nga bang kultura mayroon tayo? Kung ito ay halos pinatay na ng kolonisasyon sa loob ng daang taon.
Pilipino Ako’ anong ibig sabihin nito?
Sa loob ng sampung taon ng pag-aaral sa mababa at mataas na paaralan ay inaawit ko ang “Ako ay Pilipino.” Ngunit ano nga ba ang ibig sabihin nito? Ang terminong Pilipino ay ginagamit upang tukuyin ang mga ‘spaniards’ na ipinanganak sa Pilipinas. At ang mga taong tubo sa lupaing ito (native) ay tinatawag na ‘Indio.’5 Kaya nga kung ang pag-uusapan ay kontekstualisasyon ng teolohiya’ saan tayo magpapasimula?
Ang teolohiya ng mga taga-third world ay nagpapasimula sa pagtalakay ng mga usapin, hindi ang pag-aaral sa mga kaisipan nina Augustine, Barth, at Rahner [Third-world Theology begins by raising issues, not by digesting Augustine, Barth and Rahner].6 Ang sumasala sa teolohiyang tinatanggap ng mga Asyano at Pilipino ay ang mga teolohiyang tumutugon sa isyu ng kanilang buhay at lipunang ginagalawan.
Ang pagkamulat ng mga teologong Asiano/a at Pilipino/a ay nagsimula na sa nakaraang apat na dekada. Ang pinakamahalaga sa pagkamulat na ito ay ang pagtanggi sa dios ng mga mang-aapi at ang muling pagpapatibay sa Dios na kasama natin sa kahirapan at Dios na nagbibigay kakayahan. [The most important aspect of this awakening is the rejection of the god of the oppressors and a reaffirmation of God as fellow sufferer and enabler.]7
Halos magtagumpay ang mga mananakop na Espanyol at Amerikano sa tangkang pagpatay sa ating kultura at kamalayang Pilipino. Sinikap nilang burahin ang mga marka ng ating pagkakilanlan upang mapilitan tayong manghiram sa kanila ng kanilang pagkatao at maging huli sa kanila sa anumang larangan. Ang sabi nga “Anumang Hiram kung hindi Masikip ay maluwang” … ngunit “Anumang Hiram ay kayang Iwasto para ‘sakto.” Ito ang kakanyahang likas sa Pilipino. The Filipino has the ability to transform anything barrowed to fit him or her perfectly.8
Bukod sa pagwawasto ng mga “Hiram” ay nais kong imungkahi ang pagbalik sa sarili nating pagkatao bilang mga Pilipino. Halukayin natin ang mga bakas ng mga Pilipinong hindi nahihimbing sa panahon ng ating mga ninuno 9 at ng mga Pilipinong sa pana-panahon ay nagpumiglas sa mga mananakop. Naniniwala ako na walang himagsikang nabigo at bawat isa ay hakbang patungo sa tamang direksiyon. [No uprising fails each one is a step in the right direction].10
Ang Istorya ng Puti at Itim na Kalabaw11
Sa loob ng apat na taon ng pag-aaral sa kursong Teolohiya ay maraming pagkakataon na nadaanan ko ang asignatura sa Homiletika at Hermeneutics. Sa kabila ng lahat ng ito’ ako ay nag-struggle sa paggawa ng sermon. Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan tila ba mayroong dalawang kalabaw na nagsusuwagan sa aking kalooban.Ang isang kalabaw ay kulay itim at ang isa naman ay kulay puti.
Sa mahabang panahon ng aking buhay mula sa aking mga pinag-aaralan, napapakinggan sa huntahan, mga nababasa sa pahayagan at napapanood sa telebisyon halos sinasabi ng lahat ng ito na kapag maitim ay masama at kapag naman maputi ay mabuti.
Sa mga panahon ng aking pananatili sa seminaryo ay nagising ang aking diwa sa isang katotohanan na higit na malapit sa aking puso. Natutunan ko na kahit pala maputi ang isang bagay’ maaring ang laman nito ay bulok. Hindi ito malayo sa pananalita ng Panginoong Jesus ng tuligsain niya ang mga Eskriba at mga Pariseo. Aniya, “Ang katulad ninyo ay mga libingang pinaputi, magaganda ang labas, ngunit ang loob ay puno ng kabulukan at buto ng mga patay.”(Mateo 23:27 Poimen Bible)
Sa gitna ng lahat ng ito ay ang aking katakdaan na magbigay ng mensahe. Habang ako’y naghahanda nang mensahe, ay nagsimula na ngang magsuwagan ng dalawang kalabaw.
Ang puting kalabaw ay matatag sa kanyang mungkahi na gamitin ko ang kanyang prinsipyo at pamamaraan sa paghahanda ng sermon. Malakas ang kanyang loob na ipilit sa akin ang kanyang gusto habang binabanggit sina Barclay, Matthew Henry, Spurgeon, Finney, Jonathan Edward, Calvin at Wesley upang magpatibay na mas maganda ang kanyang sistema at pamamaraan. Hindi pa nasiyahan ang puting kalabaw, Ipinakita pa niya sa akin ang kopya ng Interpreters Bible, Bible knowledge Commentary at iba pang makakapal na libro na hindi mayadong maintindihan ang diwa. Para sa Puting Kalabaw ay ito ang katibayan kung bakit dapat gamitin ang kanyang prinsipyo at pamamaraan sa paggawa ng sermon.
Samantala ang Itim na Kalabaw ay hindi nagpatalo. Kanyang isinusulong ang prinsipyo at pamamaraan sa paggawa ng sermon na batay sa kalagayan ng buhay (settings in life). Isang pamamaraan na simple at naka-ugnay sa karanasan ng buhay. Ang itim na kalabaw ay walang libro na kasingkapal tulad ng nasa Puting Kalabaw, ngunit mahahalina ka sa mga istorya ni Juan Dela Cruz na kanyang inilalahad. Ibang klaseng maglahad ng kwento ang itim na kalabaw, mahahalata mong ganado sapagkat kumumpas pa ang kanyang buntot. Kanya ding inilahad ang kanyang pangarap sa Pilipinas aniya “Simple lang naman ang pangarap ko sa Pilipinas. Balang Araw ang gusto kong makita sa bayang ito ay maraming-maraming puting kalabaw na nandito sa ating bayan at walang ginagawa kundi ang pagsilbihan ang mga itim na kalabaw bilang tagatimpla ng kape, tagalinis ng bahay, drayber, kusinero at tagalinis ng inidoro.
Tuwang-tuwa ang maraming Itim na Kalabaw sa kanilang narinig, ngunit kabaligtaran naman ang reaksiyon ng Puting Kalabaw. Anila ay “racism” ang naturang pangarap sapagkat gusto ng Itim na umibabaw sa Puti. Ang malungkot pa nito ay may ilang Itim na Kalabaw ang pumukol ng puna sa mensahe ng kapwa niya Itim na Kalabaw. Nakikisimpatiya sila sa opinion ng Puting Kalabaw. Ang sabi naman nila ay “demonic” ang naturang mensahe sapagkat hindi ito nakapag-uplift ng komunidad. Nais lamang nitong baligtarin ang sistema ng pang-aapi.
Paano magiging “demonic” ang pangarap ng Itim na Kalabaw kung kaisa ito ng diwa ni Maria na makikita sa kanyang awit ng pagpupuri sa Dios? Lukas 1:46 “At sinabi ni Maria, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, At nagagalak ang aking espiritu dahil sa Dios na aking Tagapagligtas.” Sa Talatang 52 ay ganito ang karugtong ng awit, “Ibinagsak niya ang mga hari mula sa kanilang trono, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Tal. 53 Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom, At pinalayas silang wala ni anuman ang mayayaman.”
Ang Itim na Kalabaw ay kumakatawan sa mga Pilipinong teologo at mag-aaral ng Banal na Kasulatan. At ang Puting Kalabaw ay tumutukoy naman sa mga Puti at Europeyong teologo. Sa kuwento ay mayroong mga Itim na Kalabaw ngunit kung mag-isip ay tila Puting Kalabaw (colonial mentality). Sa kabilang banda naniniwala ako na may mga Puting Kalabaw na tunay din nagmamalasakit sa Itim na Kalabaw.
Kalayaan at Kakanyahan ng mga Pilipino
Methodist missionaries are smug young men … who place their national prejudices above the teachings of Jesus Christ. By word and action they have for years belittled our capabilities even to the extent of repeatedly asserting to our faces that the Filipinos are not fitted to conduct their own churches.”
- Nicolas Zamora12

 

 

 

 

Pangunahing isinusulong ng Itim na Kalabaw ay ang kalayaan at kakanyahan ng mga Pilipino na mamuhay gamit ang mga kaloob ng Dios na lupa, wika, kultura, likas yaman, prinsipyo at teolohiya kasama ang buong mamamayan. Kung hindi tayo makakapamuhay sa mga kaloob ng Dios sa ating lahi ay mabibigo tayong makapagbahagi sa pagsulong at pag-unlad ng sangkatauhan.
Ang istorya ng paglalang ay nagtuturo sa atin ng ganitong diwa “self-reliant community.” Sa Genesis13 kabanata isa (1) hanggang dalawa (2) ay mababasa natin ang dalawang salaysay ng paglikha ng Dios sa mundo at sa tao. Alinman sa dalawa ay nagpapakita ng katotohanang, kasama sa paglikha sa tao ang tugon sa pangunahing pangangailangan para mabuhay. Tulad halimbawa ng yamang lupa, yamang tubig ast iba pang likas yaman. Ang mga likas yamang ito ay may limitasyon o hangganan. Kaya sa kabanata tatlo (3) ng Genesis ay mababasa natin ang pagtawid ng tao sa limitasyong ibinigay ng Dios kaya sila nakaranas ng matinding kahirapan.
Naniniwala ako na ang bawat bansa ay ang siyang Hardin ng Eden at ang Eba at Adan na inilagay dito ay ang mga mamamayan ng bawat bansa. Ang pagsuway ay sumisimbulo sa pag-abuso ng tao sa hangganang inilagay ng Dios sa kanila. (Tulad halimbawa ng pag-abuso sa tao, halaman, hayop at kalikasan). Nais kong ihalintulad ang pandaraya ng ahas sa pandaraya ng mga nanakop sa ating bansa (Espanyol/Amerika). Kung saan simula ng makinig ang ating mga ninuno sa kanila ay hindi na natin naranasan ang Eden ng Dios sa ating bayan.
Ang wika ni Gat. Andres Bonifacio sa kanyang akda na “Ang dapat mabatid ng mga tagalog” ay ganito
“… Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakikipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na di umano, tayo’y aakayin sa lalung kagalingan at lalung imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila’y ipinailalim sa talagang kaugalian ng mga tagalog na sinaksihan at pinagtibay ng kanilang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kanilang mga ugat at yao’y inihalu’t ininom nila kapuwa tanda ng tunay at lubos na pagtatapat at di pagtataksil sa pinagkayarian. Ito’y siyang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng haring Sikatuna at ni Legaspi na pinakakatawan ng hari ng Espania.
Buhat ng ito’y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong daang taon mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan na ating pinagtatatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa kanila’y pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Yntsik at mga Holanda ng nagbalak umagaw sa kanila nitong katagalugan.
Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginhawa nating paggugugol nakikitang kaginhawahang ibinibigay sa Bayan?
Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahilan ng ating paggugugol? Wala kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo’y lalung guiguisingin sa kagalingan ay bagkus tayo’y binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; Yminulat tayo sa maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; at kung tayo ay mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang naguiguing kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal na anak, asawa at matatandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.”14
Batay sa kalagayang ito ang mungkahi ni Gat. Andres Bonifacio ay ang pagpiglas ng mga Pilipino sa ilalim ng Katipunan. Sa bawat Pilipinong sumasapi sa Katipunan ay ang mahigpit na pagpapaunawa sa kalagayan ng Pilipinas bago dumating ang mananakop, Kung ano ang katayuan ng bansa noong unang panahon? Ano ang katayuan niya ngayon? At Ano ang magiging katayuan niya sa hinaharap? Ang katugunan sa mga tanong na ito’y itinuturo ng kasama ng nagnanais sa sumapi sa kilusan at katulad ng mga sinabi ni Andres Bonifacio sa kanyang “Ang Dapat Mabatid ng mga Katagalugan.” – Bago dumating ang mga Kastila’y may sarili na tayong kultura at kakanyahan. May sariling yaman at nakikipag-ugnayan sa iba pang mga bansa ng Asya. Nang dumating ang mga Kastila’y tinuruan tayo ng maling relihiyon na bumulag sa ating mga mata sa tunay na uri ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga magagastos at mararangyang kasayahan. Dapat na muling makamit ng bansa ang nawala nitong kalayaan sa pamamagitan ng pagtitiwala natin sa ating sariling kakayahan, katapangan at tiyaga.”15
Ang pagpiglas ng mga Katipunero ay humantong sa paghulagpos sa pang-aaalipin ng mga Espanyol. Hunyo 12, 1898 ay ipinahayag ni Gen. Emilio Aguinaldo ang Kasarinlan ng Pilipinas.16 Ito ay hindi nagtagal. Sa pamamagitan ng ‘Manifest Destiny’ ng Amerika ay kanilang iginiit ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa Pilipinas. Ito ay nagbunga ng tatlong taong digmaan na tinawag na ‘Filipino-American War.’ Sa panahon ng digmaang ito ay sinasabing nasa pagitan ng 200,000 hanggang 600,000 ang mga namatay na Pilipino. Karamihan sa mga namatay ay sibilyan at ang umano’y dahilan ng pagkamatay ay paglaganap ng sakit na ‘cholera’ at ang matinding taggutom dahil sa pagkasira ng mga pananim at alagang hayop.17 Ang pagpapakalat ng sakit ay pamamaraan ng mga Amerikano sa pagpuksa sa mga kalabang bansa. Ang pagkamatay ng mga hayop at halaman ay sinasadya upang mapadali ang paglupig sa mga Pilipinong naghihimagsik sa kanila. Sa katunayan ay kapuna-puna ang pagpatay sa maraming kalabaw ng panahong ito na ang itinuturong salarin ay ang mga sundalong amerikano.18 Ang pagkasira ng mga halaman at ang pagkamatay ng mga alagang hayop ay naghatid sa mga Rebolusyonaryong Pilipino ng matinding taggutom. Kalaunanan, ang mga Pilipino ay sapilitang napasuko at tinanggap ang pamamahala ng Amerikano.
Naramdaman ng mga Pilipino ang labis na pagmamaliit ni Senador Albert Beveridge sa kanyang talumpati na ginawa sa senado ng amerika nuong ika-9 ng Enero taong 1900. Aniya “Ang mga Pilipino ay bata at walang lubos na kakayahang mamahala sa sariling bayan.” [The Filipinos are children, utterly incapable of self-government]19
Nicolas Zamora, Ang kapisanang “Ang Katotothanan,” at Ang Pagtatatag ng IEMELIF. 20
Sapilitang namahala ang mga Amerikano sa Pilipinas. Dahil na rin sa mahaba at mapait na karanasan sa pananampalatayang Romano Katoliko ay maluwag na tinanggap ng maraming Pilipino ang pananampalatayang Protestante. Gayunpaman, maging sa loob ng simbahang Protestante ay nararamdaman ng mga Pilipino ang mababang pagtingin ng mga puti sa ating kalahi. Ipinagkait din sa mga Pilipino ang karapatang mamamahala sa sariling Iglesya. Bunga nito ay ang pagpiglas nina Nicolas Zamora at ng Kapisanang Ang Katotothanan. Pinatunayan nila na kaya ng mga Pilipino na mamahala at tumangkilik sa nagsasariling Iglesya sa pamamagitan ng pagtatatag sa Iglesya Ebanghelika Metodista En Las Islas Filipinas (IEMELIF).
Ang Pamilya ng mga Zamora ay kilala sa kalipunan ng mga Pilipino noong ika-19 na siglo. Ang tiyuhin ni Paulino Zamora na si Padre Jacinto Zamora ay isa sa tatlong paring ginarote matapos ang rebelyon sa Kabite nuong 1872. Maging si Don Paulino Zamora na ama ni Pastor Nicolas Zamora ay ipinatapon sa labas ng Pilipinas dahil sa pagsuway sa mga prayle sa pamamagitan ng regular na pagtuturo ng Biblia.21 Sa aklat ni Peter G. Gowing na may pabalat na “Island under the Cross: The Story of the Church in the Philippines” ay kanyang tinukoy na ang kumbersiyong naganap kay Pastor Nicolas Zamora patungo sa Ebanghelikong pananaw ay nangyari bago pa man dumating ang mga amerikano.22 Sa ulat ni Rodger at Hibbard ay siyam na tao ang binautismuhan nuong Oktubre 22, 1899 na ginanap sa tahanan ni Don Paulino Zamora. Isa sa mga binautismuhan ay si Nicolas Zamora, kalaunan ay nagpasiyang sumapi sa Metodista.23 Sa Metodista Episcopal ay na-ordenahan siya bilang pastor. Mula dito ay nakilala siya bilang kauna-unahang Pilipinong Pastor.24
Ang mga taong 1904 hanggang 1907 ay naging maligalig na panahon sa mga Metodista sa Pilipinas. Sa damdamin ng ilang mananampalatayang Pilipino sa Tondo ay sumibol ang pagnanasang humiwalay sa Iglesya Metodista Episcopal at magtatag ng isang Malaya at sariling Iglesia. Minabuti nilang maghintay ng panahong itinakda ng Dios sa kanyang sariling kaalaman at pamamaraan. Sila’y tahimik na nanalangin at umaasang diringgin ang kanilang daing na sa lupang tinubuan nila ay matatag ang isang Iglesyang pamamahalaan ng kanilang kalahi. Samantala ay itinatag nila ang kapisanang “Ang Katotohanan’ na ang adhikain ay makapagsugo ng mga predikador saan mang dako ng kapuluan sa gugol ng kapisanan at sanayin ang mga predikador na Pilipino sa pangangaral at pamamahala sa mga mananampalatayang Pilipino.
Nang madama ng mga misyonerong Amerikano ang mabilis na paglago ng simulain ng mga Predicador sa Tundo ay kaagad nilang itinalaga si Pastor Zamora sa Iglesia ni San Pablo (pangalan ng kapilya ng Metodista) sa liwasang Moriones. Palibhasa’y iginagalang ng mga Predicador si Pastor Zamora, nagpahinahon sila at nanatili sa sinapupunan ng Iglesya Metodista Episcopal. Ngunit katulad ng mga Predikador sa Tundo, si Pastor Zamora ay lubhang maibigin din sa kalayaan, gaya rin ng ama niyang si Don Paulino Zamora at ng kanyang nunong si Padre Jacinto Zamora,
Pilipino, palibhasa’y pinanalantayan ng dugong makabayan, Si Pastor Zamora ay unti-unting nahikayat sa paninindigan ng mga predikador nuong 1907 na ibig humiwalay nuon pa sa Iglesia Metodista Episcopal. Ang paghiwalay ang nakitang lunas ni Pastor Nicolas Zamora upang maiwasan ang paglubha ng alitan ng mga Pilipino at Amerikano na mga lingkod ng Dios sa Pilipinas. Kaya’t nagpasya si Pastor Zamora ng paghiwalay sa Iglesyang kanyang kinaaniban mula pa ng 1899 at magtatag ng isang Iglesya na pamamahalaan at nauukol sa mga Pilipino. Nang mabatid ng mga predikador at pastor Pilipino ang pasya ni Pastor Zamora ay lumagay sila sa kanyang likuran.
Nuong Pebrero 21, 1909 ay pinulong ni Pastor Zamora ang kanyang mga kapanalig sa tahanan ni Moises Buzon sa daang Quezada, Tundo na binuo nina Diosdado Alvarez, Alejandro Reyes, Moises Buzon, Ricardo Lozada, Eusebio Tech, Santiago U. Tanghal, Hilario Aniceto, Valeriano Mariano, Santos Trinidad, Ignacio Bartolome, Pio Banta, Lorenso Basilio, Pedro Delfin, Rufino Bautista at Eusebio Domingo. Sa kapulungan ay pinagtibay ang tatlong mahahalagang hakbang sa pagkakatatag ng IEMELIF. (1) Saligan ng paghiwalay, (2) Pangalan ng bagong Iglesia, at (3) Takdang araw ng pagpapahayag. Ang saligan sa paghiwalay sa sinapupunan ng inang Iglesia ay nabuo sa paninindigan ng unang mga pangunahing kilusan na nagnais ng kalayaan sa pamamahala sa sariling Iglesia.
Mula nuon ay ipinanganak ang “grito de combate” ng bagong kilusan na: ‘kung paanong biniyayaan ng Dios ang mga taga ibang lupa na magtatag at mamahala sa sariling Iglesya, ang mga Pilipino ay gayon din.’ Ang paninindigan sa paghiwalay ay mababakas sa isang palibot-sulat na ipinadala ni Pastor Zamora sa kalaganapan ng Pilipinas. Pinagkaisahan din ng kapulungan na gawin ang pamamahayag sa bayan ng sumunod na linggo, ika-28 ng Pebrero ng 1909. Nang pag-usapan ang pangalan ng Iglesia ay naharap ang dalawang panukala (1) Iglesya Ebanghelica en las Filipinas, at (2) Iglesia Metodista de Filipinas. Dahil sa pangyayaring dalawa ang panukala ay ipinaubaya ng kapulungan ang kapasyahan kay Pastor Nicolas Zamora. Minarapat ni Pastor Zamora na maging pangalan ng bagong kilusan ang “Iglesia Evangelica Metodista En Las Islas Filipinas”, at ganito ang ipinakahulugan: IGLESIA, sapagkat kalipunan ng mga tinatawag sa pananampalataya kay Kristo; EVANGELICA, sapagkat ang batayan o saligan ng iglesya ay ang ebanghelyo ni Kristo; METODISTA, sapagkat maayos at dahil din sa ang iglesiang ito na nagsasarili ay tunay na kumikilalang supling ng Iglesia Metodista Episcopal.
Gaya ng kanilang pinagkaisahan nuong ika-28 ng Pebrero, sa ganap na ika-9 ng umaga sa pananambahan sa Wikang Tagalog sa kapilya ng San Pablo sa Moriones ay tumindig si Pastor Nicolas Zamora at bumasa ng teksto: “Sa kalayaan ay pinalaya na kayo ni Kristo: Magsitibay kayo at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagka-alipin” (Galacia 5:125) at pagkatapos ay nagbitiw ng isang maalab na sermon. Sa pagwawakas ay inihayag niya ang kalooban ng Dios na sa bayang Pilipinas ay matatag ang “Iglesia Evangelica Metodista En Las Islas Filipinas” [IEMELIF]26 na magpapahayag ng Banal na Kasulatan sa pamamagitan ng pamumuno ng kilalang mga kalahi. At mula dito ay nakilala ang IEMELIF bilang Unang Katutubong Iglesya Ebangheliko sa Pilipinas.27 Sa kabila ng maraming pagsubok na kinaharap ng simbahang IEMELIF ay nagpatuloy pa rin ito sa pagtataguyod, pagpapalaganap at pamamahala sa sariling Iglesya sa loob ng halos Isandaang taon (1909-2009).
Ang kalayaan at kakayahan ng mga Pilipino na isinusulong ng Itim na Kalabaw ay hindi lamang totoo sa pagtataguyod ng sariling bansa o pamamahala sa sariling Iglesya. Ito ay tumutukoy din sa paglinang ng Teolohiyang angkop sa mga Pilipino. Teolohiyang sumasalamin sa Dios at sa kultura, karunungan at kahusayang bigay ng Dios sa ating lahi. Ito rin ang teolohiyang tumutugon sa mga isyung kinakaharap ng mga Pilipino sa pangaraw-araw na pamumuhay.
Pagbabalik ng Dangal sa Pilipino
Abide in your faith and obey the Gospel of Jesus.
Love the Church of t he Lord as you have seen me love her.
Persevere in your responsibilities as loyal Christians and servanths of the Lord Jesus,
for a man’s honor lies in his fulfillment of his responsibilities.”
(“Ang karangalan ng tao ay ang tumupad sa kanyang tungkulin.”)28
- Nicolas V. Zamora
Pangalawa sa isinusulong ng Itim na Kalabaw ay ang pagbabalik ng Dangal sa mga Pilipino, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pantay na kalagayan sa mga puti at mga taga-uropa. Isang halimbawa nito ay kung paanong sa ngayon ay may karapatan at kakayahan ang mga puti at europeong kumuha ng Pilipinong katulong sa bahay bilang tagatimpla ng kape/tsaa, tagalinis ng bahay, drayber, kusinero at tagalinis ng inidoro, balang araw ang hangarin ng Itim na Kalabaw ay magkaroon din siya ng karapatan at kakayahan kumuha ng Puti o Europeo na katulong sa bahay bilang tagatimpla ng kape, tagalinis ng bahay, drayber, kusinero at tagalinis ng inidoro.
Ang pangarap bang ito ay rasismo? Hindi! Ang pangarap ng Itim na Kalabaw para sa mga Pilipino ay pantay na trato kung saan ang kanilang karapatan at kakayahan ay maging kakayahan din nating mga Pilipino, ganito din ang pangarap ni Martin Luther King Jr. Balang araw anya “I have a dream that one day this nation will rise up and live out the true meaning of it’s creed”. We hold the truths to be self-evident, that all men are created equal!…. I have a dream that my four little children will they live in a nation where they will not be judged by the color of their skin but by the content of their character.29
Ang pangarap ng Itim na Kalabaw na makitang naglilingkod sa kanya ang mga Puti ay pangarap din ni Vernita Lee, isang itim (black) na katulong sa bahay ng mga Amerikanong Puti. Mataas niyang pangarap sa kanyang mga anak ay hindi siya bunmagsak sa pagiging tagalinis sa bahay ng mga Puti, na ang kapalit lamang ay magagandang damit. Ang pangarap na ito ay natupad ng kanyang anak, sa ngayon maraming Puti ang nagtatrabaho sa ilalim ng kanyang pangangasiwa na siya mismo ang nagpapasweldo.30 Ang kanyang anak ay si Oprah Gail Winfrey isa sa bilyonaryong Africano-Amercano at kilalang Pilantropo.31
Ang pagtanggi sa mababang pagtingin at pagbabalik sa dangal ng mga Pilipino ay mahabang panahon ng binabaka ng ating mga ninuno. Si Antonio Morga Tenyente Gobernador sa Pilipinas nuong ika-16 na siglo (huling bahagi) ay inilarawan ang pagkain ng mga ‘indio’ na ang mga ninuno natin animo ay kumakain ng ‘bulok na isda.’ Ngunit makalipas ang dalawandaan at walumpong taon (280) ay nabasa ni Gat. Jose Rizal ang naturang tala ni Morga. Kaya si Gat. Jose Rizal ay sumulat ng anotasyon sa Morga’s Sucesos de las Islas Filipinas. At dito ay itinuwid ni Gat. Rizal ang maling pagkakilala ng dayuhang si Morga sa ating mga ninuno. Ayon kay Rizal “This fish that Morga mentions, that cannot be known good until it begin to rot, all on the contrary, is bagoong [salted and fermented fish or shrimp paste as a sauce in Filipino cuisine], and those who have tasted it know that it neither is nor should be rotten.”32 Kung sa simpleng “bagoong” pa lang ay mali na ang pagtingin ng dayuhan sa atin’ paano pa kaya sila makapagbibibgay ng tamang pagtingin sa dangal at kahusayan ng mga Pilipino sa maraming bagay? Idagdag pa rito ang konsepto ng Pilipino tungkol sa “Bahala na.” Napakarami ng nasulat tungkol dito. Halos lahat ay nagmula sa punto de bista ng mga banyagang gumawa ng mga naunang aklat tungkol sa Pilipinas at sa Pilipino. Karaniwang linya nila: “Undesirable traits of the Filipino: Bahala na system, manana habit, ningas cogon, etc.”… Akala ng marami, maging ng mga iskolar, ang “Bahala na” ay katumbas ng que sera, sera na ang ibig sabihin ay “kung ano ang mangyari, eh di mangyari.”… Ang bahala na ay galing sa salitang Bathala – matandang tagalog na tumutukoy sa Dios na lumikha at tumatangkilik sa lahat. Pag sinambit ng Pilipino ang “Bahala na,” lalo na noong panahong hindi pa siya nakalilimot sa sarili, … ang ibig niyang sabihi’y “Si Batahala na ang masusunod” o “Ang Kalooban ni Bathala ang makapangyayari.” Hindi ito fatalism tulad ng bintang ng marami, kundi pananampalataya!33
Si Puting Kalabaw at ang Hermeneutics.
Tuwang-tuwa si Puting Kalabaw ng mabalitan niyang siya pala ang ipapadala sa Pilipinas bilang tagapagturo ng ‘Hermeneutics’ sa mga Itim na kalabaw. Pagpasok s kwadra ng mga Itim na Kalabaw ay pasan ni Puting Kalabaw sa kanyang balikat ang sangkatutak na aklat galing sa kanluran patungkol sa hermenyutika.
Buong sikap niyang itinuro ang tamang kapamaraanan ng “Bible Interpretation.” Ayon sa kanya ang tamang pagpapaliwanag sa nilalaman ng Biblia ay nagmumula sa tamang ‘exegesis.’ Pagkatapos nito ay ibinahagi naman niya ang ‘Homiletika’ kung saan hinikayat niya ang mga mag-aaral na gawing sistematiko ang pagbalangkas sa bawat puntos ng sermon. May ilan na nakasunod sa kanyang itinuturo ngunit madami ang hindi nakaabot sa kanyang pamantayan, kaya mababang grado ang kanyang ibnigay sa mga ito.
Pagsapit ng linggo ay nagtungo na ang mga Itim na Kalabaw sa kani-kanilang kongregasyon. Si Puting Kalabaw naman ay palihim na nagmasid sa kanyang mga mag-aaral. Namangha siya sa kanyang natuklasan. Ang ilang Itim na Kalabaw na nakakuha ng mataas na grado sa kanya at gumagamit ng kanyang itinuro ay tinutulugan ng kongregasyon sa kanilang pagsese-sermon. Ngunit dumadagundong ang hiyawan, palakpakan at tawanan ang mga kongregasyon ng maraming Itim na Kalabaw na binigyan niya ng mababang grado. Kahit kasi hindi ‘exegetically arrange’ ang sermon ng mga Itim na Kalabaw’ ay nagawa nilang ipaunawa sa mga taga baryo ang mesahe ng Dios. Ginamit ng Itim na Kalabaw ang mga talinghaga, parabula at kwentong bayan upang maka-ugnay sila sa kanilang mga tagapakinig at maibahagi ang Mabuting Balita.
Nang bumalik ang Puting Kalabaw sa kaniyang bayan sa gawing kanluran ay masaya siyang nagkwento sa kanyang mga natutunan sa mga Itim na Kalabaw. Kalaunan ay sumulat siya ng artikulo para dito at tinawag niya itong “Ethno-hermenuetics.”
Ang istorya sa itaas ay halaw sa kanasanan ni Larry Caldwell sa kanyang pagtuturo sa Pilipinas. Ang buong salaysay ng kanyang karanasan ay makikita sa kanyang akda na “Towards the New Discipline of Ethno-hermeneutics: Questioning the Relevancy of Western Hermeneutical Methods in Asian Context.”34
Pagtatapos
Sinasabi ng mga Dependancy Theorists “na ang pagsandig sa banyagang kapital, teknolohiya at kasanayan ay humahadlang sa paglago ng ekonomiya ng mga papa-unlad na bansa.” [Dependency theorists argue that dependence upon foreign capital, technology, and expertise impedes economic development in developing countries].35 Ito ay hindi lamang totoo sa usapin ng ekonomiya, sumasaklaw din ito sa paglinang ng teolohiya ng mga papa-unlad na bansa. Naniniwala ako na ang pagsandig o pagsunod ng mga Pilipino sa metodolohiya at pamamaraang kanluranin ay nakaka-hadlang sa pag-unlad ng Teolohiyang tutugon sa mga usaping kinakaharap ng mga Pilipinong Kristiyano.
Hindi naman pagmamayabang ang hangad ng Itim na Kalabaw. Ang hangarin niya ay maibalik ang dangal ng mga Pilipino at ito ay ang pagkakaroon ng pantay na kalagayan sa mga Puti, pagsusulong ng kalayaan at pagpapa-unlad ng kahusayang Pilipino. Kung ang ating lahi ay walang dangal, kalayaan at kahusayan ay tiyak na wala din tayong maibabahagi sa pagpapabuti at pagsulong ng sangkatauhan.
Katulad ni Martin Luther King Jr. nangangarap ako ng isang mundo na ang bawat tao ay namumuhay ng pantay-pantay (walang sinisikil at naninikil). Humugot tayo ng inspirasyon sa halimbawa ni Oprah Gail Winfrey na nagawang pumantay sa mga puti. Lagpasan natin ang mali at mababang pagtingin ng mga dayuhan sa ating pagkatao bilang mga Pilipino tulad ng ginawa ni Gat. Rizal. Mangalap tayo ng mga patotoo mula sa mga Puting Kalabaw na nag-aangat sa dangal at kahusayan ng mga Pilipino. Isang halimbawa dito ang salaysay ni Larry Caldwell.
Alalahanin natin ang ating bayan bago dumating ang mga dayuhan. Ang wika ni Gat. Andres Bonifacio “Tayo ay may sariling sibilisasyon, tayo ay sagana at maayos ang ating ugnayan sa kapwa asyano.” Ipagpatuloy natin ang hakbanging bumalik sa sariling pagkatao (indio man o Pilipino). Itanim natin sa ating isipan ang sinabi ni Pastor Nicolas V. Zamora “Sa kalayaan ay pinalaya na tayo ni Kristo: Magsitibay tayo at huwag na tayong pasakop muli sa pamatok ng pagkaalipin.”36 Ito ang mga pinanggagalingan ng Itim na Kalabaw sa pag-ugit ng Teolohiya. Anuman ang kahinatnan o saan man makarating ang ating paglalakbay (Faith Jorney) ay isip-isipin at isaalang-alang natin ang mga ito sa paglinang ng Teolohiyang Pilipino.
_________________________
1 Asian Water Buffalo. Encarta EncyclopediaOxford Scientific Films/Richard Davies
© 1993-2003.
2 Ed Lapiz. Paano Maging Pilipinong Kristiyano [Becoming a Filipino Christian]. Makati City. Kaloob. 1997. Mula ngayon ay tutukuyin bilang Lapiz, Paano Maging Pilipinong Kristiyano
3 De La Paz et. al. Noli Me Tangere for Young Readers. Manila. Abiva Publishing House. (3rd Printing). 1974. p. 186
4 Yap Kim Hao. Doing Theology in a Pluralistic World. Mt. Sophia, Singapore. The Methodist Book Room. 1990. p.22
5 Renato Constantino. The Making of Filipino: A Story of Philippine Colonial Politics. Quezon City [8th Edition]. June 2000. p.5
6 Kosuke Koyama. WaterBuffalo Theology. New York. Orbis Books. 1974. p.3
7 Dhyanchand Carr [Editor]. God, Christ and God’s People in Asia. Hongkong. CCA Theological Concerns. 1995. p.2
8 Revelation E. Velunta. Anumang Hiram Kung Hindi Masikip ay Maluwang: Iba’t-ibang anyo ng teolohiyang pumupiglas. Cavite. Union Theological Seminary [PCCL]. 2006. p.4 Mula ngayon ay tutukuyin bilang Velunta. Anumang hiram.
9 Ito ang wika ni Pilosopo Tasyo ukol sa pagsusulat niya ng heroglipiko. Anya “Ang magsisisunod sa atin ay pawing matatalino at mauunawaan nila ito kaya’t maari nilang sabihin na may ilang hindi nahihimbing sa panahon ng kanilang mga ninuno.” [Paano Maging Pilipinong Kristiyano ni Pastor Ed Lapiz].
10 Reynaldo Ileto. Pasyon and Rebolution. Quezon City. Ateneo De Manila University Press. 1997. p.5
11 Bladymer R. San Jose. Senior’s Message “Ang Pangarap kong UTS.” Dasmarinas. Union Theological Seminary. 2007.
12 Kenton J. Clymer. Protestant Missionaries in the Philippines, 1898-1916: An Inquiry into the American Colonial Mentality. Chicago. University of Illionois Press. 1986. p.114
13 Poimen Bible
14 Angelito Manalili.Pag-oorganisa ng Pamayanan Tungo sa Kaunlarang Mula sa Pilipino Para sa Pilipino. Manila. Kapatiran-Kaunlaran Foundation, Incorporated. 1984. p.12-13. Mula ngayon ay tutukuying bilang Manalili. Pag-oorganisa ng Pamayanan
15 Manalili. Pag-oorganisa ng Pamayanan. p.18-19
16 Teodoro Agoncillio. History of the Filipino People. Quezon City. The family of the late Teodoro A. Agoncillio.[8th edition]. 1990. p.20
17 Encarta Reference Library 2004
18 Ayon kay Revelation Velunta “Maraming pinatay na Kalabaw ang mga Amerikano nuong panahon ng Digmaan.” Sinabi niya ito sa mga mag-aaral ng Master of Theology/SEAGST. 1st Semester S.Y. 2007-2008
19 Encarta Reference Library 2004
20 Bladymer R. San Jose. Ang Teolohiya ng Iglesya Ebanghelika Metodista En Las Islas Filipinas: Isang Pagsusuri sa Pag-usbong at Pagyabong ng Teolohiyang IEMELIF. [M.Div. Thesis]. Dasmarinas. Union Theological Seminary. Marso 2007. p. 22-24. Mula ngayon ay tutukuyin bilang San Jose. Ang Teolohiya ng IEMELIF
21 Anne, C. Kwantes. Presbyterian Missionaries in the Philippines: Conduits of Social Change (1899-1910). Quezon City. New Day Publisher. 1989. p.28-29. Mula ngayon ay tutukuyin bilang Kwantes. Presbyterian Missionaries
22 Peter, G. Gowing. Island Under the Cross:The Story of the Church in the Philippines. Manila. National Council of Churches in the Philippines. 1967. p.131-132. Mula ngayon ay tutukuyin bilang Gowing. Island Under The Cross
23 Kwantes. Presbyterian Missionaries. p.29-30.
24 Gowing. Island Under The Cross.p. 131-132
25 Ginamit ni Pastor Nicolas V. Zamora ang Galacia 5:1 sa konteksto ng mga Pilipino na nuong mga panahong yaon ay nagnanasa ng kalayaan sa kamay ng mga dayuhang amerikano. “Sa kalayaan ay pinalaya na kayo ni Kristo: Magsitibay kayo at huwag na kayong pasakop na muli sa pamatok ng pagka-alipin.”
26 The acronym IEMELIF was the result of a contest conducted during the Ministerial Conference in February 1915 held at Malibay Pasay to adopt a shorter name for the Church. The Rev. Felixberto D. Reyes’ entry, i.e. IEMELIF, representing the initial letters of the official name of the Church in Spanish, was chosen. [Ruben F. Trinidad. A Monument to Religious Nationalism. P.120]
27 Ruben F. Trinidad. A Monument to Religious Nationalism: History and Polity of the IEMELIF Church. Quezon City. IEMELIF. 1998. p.285. Mula ngayon ay tutukuyin bilang Trinidad. A Monument
28 Trinidad. A Monument. p.159
29 Encarta Reference Library 2004
30 TMZ. Com. Home ‘Oprah Lords over White Folks, talks poop on XM
31 Wikipedia. Oprah Gail Winfrey (born January 29, 1954) is the American multiple-Emmy Award winning host of The Oprah Winfrey Show, the highest rated talk show in television history. She is also an influential book critic, an Academy Award-nominated actress, and a magazine publisher. She has been ranked the richest African American of the 20th century, the most philanthropic African American of all time, and the world’s only black billionaire for three straight years. She is also, according to several assessments, the most influential woman in the world.
32 Ambeth Ocampo. Meaning and History: The Rizal Lectures. Pasig City. Ambeth Ocampo & Anvil Publishing. 2001. p.75
33 Lapiz. Paano Maging Pilipinong Kristiyano. 1997. p. 28-29
34 Velunta. Anumang Hiram. p.144
35 Dependency Theory. Encarta Reference Library 2004.
36 San Jose. Ang Teolohiya ng IEMELIF. p24.
Published in: on October 21, 2008 at 3:45 pm  Leave a Comment  
Tags:
Follow

Get every new post delivered to your Inbox.